CEBU CITY – Malakas ang kutob ng isang ginang na kanyang anak ang isa sa mga bangkay na nakita sa bayan ng Tuburan, Cebu.

Si Millete Baricar, taga-Barangay Mambaling, lungsod ng Cebu, ang dumulog sa PNP Crime Laboratory 7 upang kilalanin ang isa sa mga labi.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baricar, giit nitong anak niya na si Niko Baricar ang isa sa mga bangkay dahil sa suot nitong singsing.

Aniya, sinabihan umano siya ng live-in partner ng kanyang anak na suot nito ang kanilang couple ring, bagay na nakita rin sa bangkay.

Inihayag rin ng ina na noong Miyerkules pa ng gabi hindi umuuwi ang kanyang anak kaya nagbabakasakali siyang mahanap ito.

Ayon kay Baricar na kung sakaling ang anak niya talaga ang isa sa mga bangkay, hindi nito alam kung sino ang may gawa at ano ang motibo sa nangyaring krimen.

Gayunman, inamin nitong nabilanggo na noon ang kanyang anak dahil sa kasong murder.

Sa ngayon, hinihintay na lang ang resulta ng DNA test upang mapatunayan kung anak nito ang isa sa mga bangkay.

Habang, isang nagpakilalang kapatid ang dumulog sa crime lab upang kilalanin ang isa pang bangkay at kinilala niya itong si John Paul Galo.