Binigyan ng parangal ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Dionardo Carlos ang dalawang rookie cops na nasawi sa engkuwentro kahapon ng umaga sa Barangay Lonoy, Gamay, Northern Samar.
Kinilala ni Gen. Carlos ang dalawang SAF (Special Action Force) trainees na sina Pat. Franklin Marquez at Pat. Jimmy Caraggayan na namatay matapos pasabugan ng improvised explosive devices (IED) ng mga miyembro ng NPA (New People’s Army).
Maliban sa mga binawian ng buhay, apat na pulis pa ang nasugatan na ginawaran naman ng Medalya ng Sugatang Magiting.
“Our snappy salute to the bravery they have shown. They were killed in the line of duty defending our country against insurgency. We would want to recognize the valor of four other troop members who were injured during the firefight,” pahayag ni Carlos.
Ayon sa PNP chief, nagsasagawa ng hot pursuit operations ang mga police commandos kasama ang mga sundalo laban sa mga komunistang rebelde na nasa likod ng insidente.
Mariin nitong kinondena ang pag-atake ng NPA kasabay ng pagtiyak ng tulong pinansiyal sa mga kaanak ng dalawang nasawing pulis at maging sa apat na nasugatan.
“Pursuit operations will continue without letup against these criminals while I ordered police forces in the area to establish more checkpoints and prevent the possible escape of the fleeing terrorists. We will make sure that justice will be served, and the deaths of our fellow law enforcers will not be in vain,” dagdag pa ni Carlos.
Ang anim na police personnel ay sumasailalim sa Special Action Force Commando Course para maging ganap na kasapi ng PNP-SAF.
Gumamit na rin sa ngayon ng air assets ang mga pulis para sa pagtugis sa mga rebelde.