Dalawang katao ang napatay sa siyudad ng Mandalay sa Myanmar makaraang magpaputok ng baril ang mga pulis upang ma-disperse ang mga lumahok sa kilos-protesta laban sa nangyaring kudeta.
Sinabi ng isang volunteer doctor, isa sa mga biktima ang nabaril sa ulo, habang ang isa ay tinamaan ng bala sa dibdib na ikinamatay nito kalaunan.
Ayon naman kay Ko Aung, pinuno ng Parahita Darhi volunteer emergency service agency, mayroon ding 20 katao ang sugatan dahil sa pangyayari.
Una rito, daan-daang mga demonstrador ang nagtipon-tipon sa isang shipyard sa ikalawang pinakamalaking siyudad ng Myanmar.
Maliban sa pagtatapos ng junta, patuloy ding inihirit ng mga ralyista ang pagpapalaya kay civilian leader Aung San Suu Kyi at iba pa.
Ngunit nauwi sa karahasan ang protesta makaraang komprontahin ng mga pulis ang mga ralyista at mga nag-aklas na shipyard workers.
Batay sa mga ulat, pinagbabato ng mga ralyista ang mga pulis, na gumanti sa pamamagitan ng pagpapaputok ng baril at paghahagis ng tear gas.
Nitong Biyernes nang maitala ang unang kumpirmadong nasawi dahil sa mga protesta.
Ang 20-anyos na si Mya Thwe Thwe Khaing ay nabaril sa ulo nang buwagin ng kapulisan ang mga nagsasagawa ng kilos protesta. (BBC/ Reuters)