-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nasampahan na ng kasong Murder at Theft ang dalawang pulis at dalawang iba pang suspek sa pagpatay sa anak ni dating BANAT party-list Representative at former Iloilo Assemblyman Salvador Britanico.

Matandaang ang biktima ay si Delfin Britanico na nagtamo ng walong tama ng bala sa ulo at sa iba pang bahagi ng katawan.

Ang mga suspek ay sina PCpl. Jerry Carmelotes Villanueva at PCpl. Joseph Andrew Poneles Jovena at dalawa pang unidentified suspects.

Ayon sa National Bureau of Investigation, ang mga nasabing salarin rin ang tinitingnang responsable sa pagpatay kay Allen Muller na pinaslang sa mismong araw rin ng pagpatay kay Britanico noong Enero 19.

Base sa imbestigasyon ng NBI, unang pinatay si Muller sa sa Brgy. Cuartero, Jaro, Iloilo City at tumigil pa umano ang mga suspek sa bakanteng lote sa Brgy. Nabitasan La Paz, Iloilo City ngunit nakita sila ni Britanico at may komprontasyon na nangyari.

Maaaring inisip raw ng mga suspek na isumbong ni Britanico ang kanilang gawain kung kaya pinaslang na lamang ito.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay former Iloilo Assemblyman Salvador Britanico, sinabi nito na “welcome milestone” para sa pamilya nila na natukoy na rin ang mga suspek na kumitil ng buhay ng kanyang anak.