Stable na umano ang kondisyon ng dalawang police pilot na nasugatan sa bumagsak na PNP H125 helicopter ng PNP sa Real, Quezon kahapon.
Ito ang sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.
Ayon kay Fajardo, mula sa PNP General Hospital, nailipat na sa St. Lukes Medical Center sa Quezon City kagabi ang piloto ng helicopter na si PLt. Col. Dexter Vitug, at co-pilot nitong si PLt. Col. Michael Melloria.
Sa ngayon, patuloy silang nagpapagaling matapos magtamo ng mga pasa, sugat at bali sa buto.
Samantala, sinabi ni Fajardo na ipinaabot na ni PNP chief General Dionardo Carlos ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng nasawing crew ng chopper na si Pat. Allen Noel Ona, kasabay ng pangakong makakatanggap ng tulong pinansiyal ang kanyang mga naulila.
Matatandaan na kahapon, agad na bumuo ang Special Investigation Task Group (SITG) ang PNP upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa pagbasagsak ng Airbus H125 helicopter kahapon.
Kung maalala noong March 2020, bumagsak ang isang Bell 429 GlobalRanger chopper aircraft kung saan lulan dito si retired PNP chief Archie Gamboa at ilang heneral sa Laguna.
Nasawi sa nasabing pagbagsak si PNP Comprollership MGen. Jovic Ramos.