-- Advertisements --

Masiglang magsisimula si Alex Eala sa Guadalajara Open sa Mexico ngayong Miyerkules ng madaling araw (oras sa Pilipinas), matapos ang kanyang makasaysayang panalo sa US Open.

Makakaharap ni Eala ang Arianne Hartono ng Netherlands sa Women’s Tennis Association (WTA) 125 tournament.

Matatandaang tinalo na ni Eala si Hartono sa kanilang tatlong nakaraang laban.

Ang 20-anyos na si Eala ay gumawa ng kasaysayan sa Philippine tennis matapos pabagsakin ang world No. 14 na si Clara Tauson ng Denmark sa score na 6-3, 2-6, 7-6 (13-11) sa US Open —ang kanyang unang panalo sa isang Grand Slam singles main draw.

Gayunman, nabigo siya sa ikalawang round laban kay Cristina Bucsa ng Spain, 6-4, 6-3.

Sa kasalukuyan nasa ranked No. 75 si Eala sa mundo. Matapos ang torneo sa Mexico, tutungo siya sa Sao Paulo Open sa Brazil mula Setyembre 8 hanggang 14.