Dalawa lamang sa labindalawang luxury vehicles na tinukoy sa search warrant ang natagpuan ng Bureau of Customs (BOC) sa raid na isinagawa sa mga ari-arian ng pamilya Discaya nitong Martes ng umaga, ayon kay BOC Chief of Staff Jek Casipit.
Sa isang pahayag sinabi ni Casipit, tanging isang Toyota Land Cruiser at isang Maserati lamang ang nakita sa lugar.
Habang ang iba pang sasakyan na nakalista sa warrant ay wala sa property ng mga Discaya.
Bagamat inamin umano ni Sarah Discaya na may 28 luxury cars ang kanilang pamilya, labindalawa lamang sa mga ito ang nakasaad sa search warrant —mga sasakyang walang record sa Customs.
Kabilang sa mga tinukoy sa warrant ang mga high-end na sasakyan tulad ng Rolls Royce Cullinan, Mercedes-AMG G63, Bentley Bentayga, at Lincoln Navigator.
Dagdag pa ni Casipit, dalawang beses nilang sinubukang ihain ang warrant noong Lunes ng gabi pero hindi sila pinapasok.
Kung saan Martes ng umaga lamang sila pinayagang makapasok at magsagawa ng inspeksyon.