Ikinababahala ni Marikina Rep. Marcy Teodoro ang natuklasang ilang proyekto sa National Expenditure Program na natapos na ngunit muli pa ring isinama sa 2026 budget.
Ayon sa mambabatas, ilang proyekto na ang natuklasan ng kaniyang opisina na may ganitong sistema.
Nagawa umano niyang ilapit ang naturang problema kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan sa isang consultation meeting na dinaluhan nila ng kalihim.
Kabilang sa mga ito ay ang ilang public infrastructure project sa kaniyang dristrito, tulad ng slope protection at mga flood control structure.
Ayon pa kay Teodoro, na dati ring nagsilbi bilang alkalde ng Marikina, isa ito sa mga resulta ng hindi pakikipag-ugnayan ng DPWH sa mga lokal na pamahalaan bago man lang sila magtayo ng mga proyekto sa isang lugar.
Maaari aniyang mabantayan ito ng mga LGU kung mayroon lamang sapat na kaalaman ang local officials sa mga proyektong itinatayo ng national government sa pangunguna ng DPWH.
Dapat aniyang bigyang-linaw ng DPWH ang mga naturang proyekto at tukuyin kung totoong proyekto ang mga ito, dahil nakapaloob na ito sa panukalang pondo sa 2026 na pinagdedebatehan na ng Kongreso.