KALIBO, Aklan — Patay ang dalawang lalaki matapos na bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa puno ng mahogany sa national highway na sakop ng Barangay Rigador, Ibajay, Aklan.

Naisugod pa sa magkahiwalay na ospital ang dalawa, subalit binawian ng buhay ang driver na si Joey Bangcaya, 37 at backrider na si Rustom Ballejo, 23, magbayaw, kapwa laborer at mga residente ng Barangay Aparicio sa nasabing bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing ng Barangay Jawili, Tangalan, Aklan ang mga biktima na kumuha ng seedlings, subalit sa kanilang pag-uwi ay nawalan ng preno ang sinasakyang motorsiklo sa pababang bahagi ng kalsada dahilan na nawalan ng control ang driver nito.

Nagdere-deretso ang kanilang sasakyan at bumangga sa puno ng mahogany.

Kapwa nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo ang dalawa na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.