Kinumpirma ni Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor na dalawang residente ng Naujan, Oriental Mindoro ang nasawi sa nangyaring landslide sa kanilang probinsya kanina.
Ayon kay Gov. Dolor, nagkumpyansa sila sa pahayag ng Pagasa, kaya hindi na pinalikas ang kanilang mga kababayan.
Sinadya pa umano nilang ipatawag ang kinatawan ng weather bureau sa kanilang lalawigan, para alamin ang magiging lagay ng panahon, pero sinabi nito na bahagyang ulan lang ang maaaring maitala doon.
Pero nagulantang umano sila kaninang umaga nang bumungad ang baha sa Naujan, pati na sa Gloria, Pola, Pinamalayan, Victoria at Calapan.
Naging sentro naman ang Brgy. Bayani sa Naujan, kung saan nakaranas pa ng landslide at natabunan ang dalawang residente.
Naglibot na ang gobernador at hiningan na rin ng report ang mga alkalde ng mga apektado ng baha, para matukoy kung anong tulong ang maaaring maipagkaloob.
Sa ngayon, walang bagyo o kahit low pressure area (LPA) na umiiral sa loob ng Philippine area of responsibility.