LEGAZPI CITY – Patay ang dalawang katao habang pitong iba pa ang sugatan matapos na araruhin ng isang truck ang ilang mga sasakyan sa Malilipot, Albay.
Ayon kay Police Capt. Nathaniel Jacob, hepe ng Malilipot PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na mula ang naturang truck na may mga kargang alak sa lungsod ng Legazpi.
Subalit pagdating sa Barangay San Jose, Malilipot napansin na nawalan ito ng preno.
Dahil pababa ang nasabing porsyon ng lugar, tinatayang umabot pa sa dalawa hanggang tatlong kilometro ang itinakbo nito at nakarating pa sa Barangay San Francisco kung saan nabangga ang ilang mga sasakyan.
Dahil sa lakas ng impact ng aksidente, nahulugan pa ng case ng mga alak ang ilang bystanders kung saan dalawa ang idineklarang binawian ng buhay.
Posibleng maharap sa patong-patong na kaso ang driver ng truck kasama na ang recless imprudence resulting to homicide, physical injuries, at damage to properties.
Samantala, nangako naman ang kumpaya na pagmamay-ari ng truck na tutulungan ang mga biktima sa naturang aksidente.