-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Kapitan Sergio Manlumabe ng Brgy. Mahayahay, bayan ng San Luis, Agusan del Sur na anim katao ang pinaniniwalaang natabunan sa malaking pagguho ng lupa sa kabundukang bahagi ng Km 31, Sitio Tagbulacan, sa nasabing barangay.

Sa kanyang pahayag, may mag-asawang nag-uuling sa lugar kasama ang kanilang apo na kabilang sa mga natabunan ng gumuhong malalaking bato, lupa at putik, kasama ang isang motorcycle driver, gayundin ang driver at pahinante ng isang Saddam truck.

Dagdag pa niya, pasado alas-6:30 kagabi, dalawang Saddam truck na umakyat sa lugar at pagdating sa bahagi ng tulay ay may nakaharang na puno ng kahoy.

Pinagtulungan pa ng driver at pahinante na alisin ito upang makadaan sila, ngunit doon na gumuho ang halos kalahating bahagi ng bundok malapit sa tulay.

Sa nagpapatuloy na search and rescue operation, narekober ang mga bangkay nina Jonard Gonzales, driver ng Saddam truck, at ng 3-taóng gulang na batang si John Paul Abunda.

Samantala, patuloy pang hinahanap ang mga lolo’t lola ng bata na sina Helen at Gerry Abunda, gayundin ang motorcycle driver na kukuha lamang sana ng bigas at ang kargador.