KORONADAL CITY – Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Koronadal City PNP kaugnay sa insidente ng pamamaril sa isang pamilya sa Sitio Cogonal, Brgy. Topland sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Shiela Mae Fernandez, asawa ni Jeffrey Fernandez, nanonood lamang ng telebisyon ang asawa at ama nito ns si Lucio Simpal kagabi nang may kumatok sa kanilang bahay.

Kaagad dinakip ng isa sa mga kalalakihan na si Fernandez matapos niyang buksan ang pinto at tinawag si Simpal na may naghahanap daw sa kaniya.

Binaril ng mga suspek ang dalawa na naging dahilan ng kanilang kamatayan, habang kumaripas si Shiela papunta sa CR kasama ang kaniyang mga anak.

Hindi rin nakaligtas sa pamamaril ang pinsan nitong si Jeffrey Talino nang rumesponde sa nasabing pamamaril at isinugod sa pagamutan.

Sugatan rin ang 8 taong gulang na bata na si Iceen Pasamante sa naturang pangyayari.

Blangko pa sa ngayon ang mga otoridad sa kung ano ang motibo sa krimen habang tinutukoy na ang mga suspek na bumaril sa mga biktima.