NAGA CITY- Tinatayang aabot sa 15 katao ang isinugod sa ospital habang dalawa naman dito ang binawian ng buhay matapos na malason ng kinaing gulay na gabi at pansit sa Barangay Bigaas, Calabanga, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt Mark Spaña, Deputy Chief of Police ng Calabanga Municipal Police Station (MPS), sinabi nito na una ng nagkayayaan ang pamilya Buenafe at pamilya Arias na mag-outing sa Inarihan river sa nasabing bayan.
Ayon kay Spana, kasama umano sa pinagsaluhan ng nasabing pamilya ang nilutong gabi at pansit.
Ngunit nang makauwi na ang mga ito ay ininit umano ng mga biktima ang natirang pagkain at muling pinagsaluhan.
Ayon kay Spana, dito na sumakit ang tiyan ng mga biktima kung kaya agad naman umano itong isinugod sa ospital.
Base sa imbestigasyon binawian ng buhay ang dalawa sa mga ito kasama na umano ang mismong nagluto ng nasabing pagkain at isa pang 10-anyos na menor de edad.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.