Kinumpirma ng Office of the Civil Defense (OCD) na mahigit 50,000 pamilya sa Bicol Region ang isinailalim sa preemptive evacuation bilang paghahanda sa paglapit ng Super Typhoon Uwan.
Ayon kay OCD Administrator Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, sinimulan ang mga evacuation operations dakong alas-3 ng madaling-araw, partikular sa mga lugar sa Albay at Camarines Norte. Sa Albay pa lamang ay umabot na sa 50,000 pamilya ang inilikas, habang nasa 5,000 pamilya naman sa Camarines Norte.
Bagama’t hindi pa nagla-landfall ang bagyo, nakararanas na ng malakas na ulan at hangin ang ilang bahagi ng Region 5, partikular sa Catanduanes, at maging sa Region 8 (Eastern Visayas). Sa ngayon, wala pang naiulat na malawakang pagbaha.
Gayunman, naiulat na ang power outage sa ilang lugar sa Region 8, kabilang ang Tacloban City, Palo, Babatangan, Leyte, at Northern Samar.
Dahil dito, nanawagan si Alejandro sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) at mga residente sa Central at Northern Luzon na maghanda na at sundin ang mga babala ng mga otoridad, habang ipinatutupad na rin ang mga preemptive measures sa mga rehiyong posibleng daanan ng bagyo.
“Mas mabuti nang maagap kaysa magsisi. Ang kaligtasan ng ating mga kababayan ang pangunahing layunin,” paalala ni Asec. Alejandro.















