BAGUIO CITY – Natagpuan ang isang bangkay ng lalaki sa Tadiangan, Tuba, Benguet nitong Huwebes ng umaga kung saan nakuha din dito ang dalawang pakete ng pinaniniwalaang shabu.

Ayon kay P/Maj. James Acod, hepe ng Tuba PNP, nakatanggap ang kanilang himpilan ng report mula sa isang barangay tanod ukol sa natagpuang bangkay ng lalaki.

Nadiskubre ng mga pulis ang nasabing bangkay na itinapon sa bangin sa ibaba ng kalsada na may lalim na aabot ng 40 talampakan.

Nakasuot ang lalaki ng puting sapatos at medyas, brown na jogger pants, maong jacket, at asul na t-shirt.

Sinabi ni Acod na may tribal tattoo na may puso ang kanang braso ng bangkay at may tuldok na tattoo ito sa pulso.

Iimbestigahan din aniya ang pagkakatagpo ng pinaniniwalaang iligal na droga mula sa nasabing bangkay na pinoproseso na ngayon ng PNP-Crime Lab.