ILOILO CITY – Tinukoy na ang dalawang ospital na magsisilbing quarantine facility para sa mga persons under investigation dahil sa Coronavirus Disease (COVID)-19 sa Lungsod ng Iloilo.

Ito ay ang Western Visayas Medical Center sa Mandurriao, Iloilo City at Western Visayas Sanitarium sa Sta. Barbara, Iloilo.

-- Advertisement --

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na napagkasunduan sa consultative meeting kasama ang mga opisyal ng iba’t-ibang ospital sa lungsod, Department of Health at City Disaster Risk Reduction and Management Office, na ang dalawang ospital ay magsisilbing quarantine facility.

Nangangahulugan na kapag tumaas ang bilang g mga pasyente sa Western Visayas Medical Center, magiging option ang Western Visayas Sanitarium sa Barangay Bolong Oeste, Sta. Barbara, Iloilo.

Ayon sa alkalde, nakahanda naman ang mga pribadong ospital sa lungsod na tumanggap ng mga persons under investigation ngunit limitado lang ang lugar ng kanilang mga isolation room.

Ani Treñas, may mga standard protocols na ding hinahanda upang labanan ang COVID-19.

Napag-alaman na wala pang kaso ng Coronavirus Disease sa Lungsod ng Iloilo.