DAVAO CITY – Patuloy ngayon ang hot pursuit operation ng 10th Infantry Division (ID), Philippine Army matapos ang nangyaring engkwentro sa Sitio Lanan, Brgy. Goma, Digos City, Davao Del Sur nitong Biyernes ng umaga na ikinamatay ng dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA).

Nakasagupa ng tropa ng 39th Infantry Battalion (IB) ang hindi madeterminang bilang ng mga kasapi ng Guerilla Front 51 sa nasabing lugar.

Ayon kay 10th ID spokesperson Capt. Jerry Lamosao, una nang nakatanggap ng report ang 39th IB na may presensya ng rebeldeng grupo sa area na mangre-recruit umano at humihingi ng pera, dahilan kaya agad silang gumawa ng operasyon.

Sa bakbakang tumagal ng 45 minuto, isang high-powered firearm din ang nakuha samantalang wala namang napatay sa panig ng militar.