KALIBO, Aklan—Tagumpay na nalampasan ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang targeted 2 milyon tourist arrival sa pagtapos ng taon 2025.
Nakatala ang Malay-Boracay Tourism Office ng kabuuang 2, 155, 217 foreign and local tourists na bumisita sa Boracay mula Enero hanggang Disyembre 2025.
Sa nasabing bilang, libo-libong dayuhang turista ang nagmula pa sa mga bansang Korea; United States of America; Australia; Taiwan; Russia; China; United Kingdom; Japan; Germany at India.
Matatandaan na bumuhos ang maraming bisita nitong nagdaang kapaskuhan hanggang sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa kabilang dako, nakalatag na ang ilang aktibidad para sa nalalapit na selebrasyon ng Ati-Atihan Festival sa isla ng Boracay sa darating na Enero 9 hanggang 12, 2026.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay-Boracay Tourism Office, isa sa mga nangungunang aktibidad na taunang isinasagawa ay ang project prestine o ang coastal and underwater clean-up drive na lalahukan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga stakeholders.
Nasa 36 tribu at grupo ang lalahok sa Balik-Ati at Modern Category na pagpapasiklaban sa street dancing na gaganapin naman sa long white beach pagkatapos ng banal na misa.
Ang taunang sariling bersyon ng Sto. Niño Ati-Atihan Festival sa Boracay ay dinadayo ng mga lokal at dayuhang turista mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
















