CAUAYAN CITY – Pinanindigan ng pamunuan ng Cauayan City Police Station na lumaban ang napatay na dalawang lalaking sa kanilang isinagawang drug buybust operations kagabi sa Carabatan Bacareño, Cauayan City.

Ang mga napatay ay nakilalang sina Eduardo Barroga at Michael Butch Felipe na kapwa residente ng Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Lt. Col. Gerald Gamboa, hepe ng Cauayan City Police Station sinabi niya na matagal na nilang minamanmanan si Barroga hanggang magkaroon ng transaksiyon ang kanilang asset at mapalad na isinama niya si Butch Felipe na matagal rin nilang minamanmanan.

Aniya, nagkaroon ng engkwentro dahil ng napansin ni Barroga na pulis ang kanyang katransaksyon at nanlaban ito ganoon din na nagpaputok ng baril ang kanyang kasama na si Felipe na nasa lima hanggang pitong metro ang layo sa kanya.

Iginiit din niya na hindi nadamay Felipe dahil sa kanya nanggaling ang ibibigay sana ni Barroga na droga sa nagsilbing poseur buyer na pulis.

-- Advertisement --

Idinagdag din ni P/Lt. Col. Gamboa na nasa listahan ng Directorate for Intelligence ng PNP ang dalawa.