NAGA CITY – Arestado ang dalawa katao kasama ang isang menor de edad sa anti illegal drug operation sa San Jose St. Goa Camarines Sur.

Kinilala ang mga suspek na sina Anthony Brizuela 23-anyos at isang 16-anyos na binatilyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Gilbert Piloneo, Officer In Charge ng PNP-Goa, napag-alaman na nagtangkang tumakas ang mga suspek gamit ang kanilang motorsiklo ng matunogan nitong pulis ang kanilang katransaksyon.

Dahil dito hinabol umano ng mga otoridad ang mga ito sakay rin ng isang motorsiklo na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakumpiska sa dalawa ang tatlong sachet ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nasa P7,000 ang halaga.

Ayon kay Piloneo, graduate ng criminology si Brizuela at posibleng maapektuhan ang pangarap nitong maging isang pulis dahil sa nagawang krimen.

Samantala ikukustudiya naman ang 16- anyos na suspek ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).