Napasok na ng rescue teams at ilang opisyal ng Eastern Samar ang isolated towns sa kanilang probinsya.
Ayon kay Eastern Samar Gov. Ben Evardone sa panayam ng Bombo Radyo, sinubukan na nila kahapong mapuntahan ang mga bayan ng Maslog at Jipapad, ngunit mataas pa ang tubig baha sa mga nabanggit na lugar.
Kaya muli nila itong tinungo kanina para makita ang lawak ng pinsala at mabigyan ng tulong ang mga residente.
Sa inisyal na pagtaya, lumalabas na mas malaki pa ang pagkasirang dulot ng Typhoon Ambo sa kanilang lugar, kung ihahambing sa Supertyphoon Yolanda para sa sektor ng agrikultura.
“Yung agrikultura po talaga ang napuruhan. Kung titingnan nga mas malaki pa ang ‘distroso’ kaysa noong Yolanda,” wika ni Evardone.
Dagdag pang problema sa ilang bayan ang nasirang warehouse ng relief supply, kaya nagpasaklolo na lamang sila sa national government, lalo’t hindi na magagamit ang daan-daang bags ng bigas.