Arestado ang dalawang indibidwal matapos mabisto ang paggawa at pagbebenta ng mga pekeng vaccination card at negative swab test result para sa COVID-19 sa isinagawang raid ng mga operatiba ng Manila Police District sa Quiapo, Maynila.
Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang mga naarestong indibidwal na sina Jimmy Santisima at Edito Parr.
Ayon kay PNP chief General Guillermo Lorenzo Eleazar, nag-ugat ang operasyon mula sa isang intelligence report tungkol sa isang tindahan sa Quiapo na nagbebenta ng mga pekeng vaccination cards at negative RT-PCR results.
Nadiskubre din ng mga operatiba ng Manila Police District sa kanilang operasyon na mayroon nang ginagamit na mga template ang mga kawatan, nagmula sa San Lazaro Hospital para sa pekeng swab test result habang sa Pasay City naman ang pekeng vaccination cards.
Natagpuan din ng MPD team ang ilang pekeng dry seal ng ilang unibersidad at ahensya ng Pamahalaan kaya sila rin ay pinaghihinalaang namemeke ng iba pang dokumento tulad ng birth certificate at marriage contracts.
Agad dinala sa MPD headquarters ang mga suspek at kasalukuyan nang nahaharap sa kaukulang mga kasong kriminal.
Samantalang patuloy na pinaghahanap ng MPD ang iba pang mga gumagawa ng iligal na aktibidad sa gitna ng pandemya.
Pinuri ni PNP Chief ang matagumpay na operasyon ng MPD.
Isa ang RT-PCR sa mga dokumentong hinihingi ng mga Lokal na Pamahalaan sa mga biyahero bago pumasok sa kanilang nasasakupan. May ilang Lokalidad din naman ang humihingi ng vaccination cards subalit ginagamit din ito para makakuha ng diskwento sa ilang establisyemento.
Umaasa si PNP Chief na magpapatuloy ang agresibong kampanya ng PNP hindi lamang laban sa mga taong gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng vaccination cards at RT-PCR kundi pati na rin sa mga taong bumibili at gumagamit ng mga ito.