Kinondena ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang korapsyon sa flood control projects at nanawagan na ibalik ang pondong ninakaw mula sa mga nagbabayad ng buwis.
Sa kanilang pastoral letter, sa pangunguna ni CBCP president at Cardinal Pablo Virgilio David, hinggil sa anomalya sa flood-control projects, iginiit nito ang pagtatatag ng isang independent probe sa mga budget insertions at public works projects.
Nanawagan din ito ng pananagutan hindi lamang sa mga kontraktor kundi pati sa mga mambabatas, engineers, auditor, at financier na bahagi ng isang tinukoy nilang “multi-layered” na sistema ng katiwalian.
Umapela rin si David sa mga Pilipino, lalo na sa kabataan, na gampanan ang mas malaking papel sa paglaban sa korapsyon at gamitin ang digital platforms upang isulong ang pananagutan sa lipunan.
Mahalaga aniya ang papel ng kabataan sa pagbabalik ng integridad sa pampublikong pamumuhay.
Aniya, ang korapsyon sa public works ay malapit na kaugnay ng kahirapan dahil bilyun-bilyong pondo ang nawawala sa serbisyong panlipunan. Malaki umano ang nauuwi sa kickbacks at komisyon, dahilan upang manatiling mahina at substandard ang mga imprastraktura sa maraming komunidad.
Aminado naman si David sa kakulangan ng Simbahan, na ang katahimikan at hindi pagkakapare-pareho ng mga saksi ay minsang nagpapahina sa moral na tinig nito.
Inilatag din ng pahayag ang siyam na konkretong hakbang tungo sa pagbabago, kabilang ang pagbabantay, pagtakwil sa patronage politics, at pagpapakita ng katapatan sa pang-araw-araw na buhay mula sa pamilya hanggang sa komunidad.
Hinikayat din ang pagbubuo ng “communities of truth” laban sa disinformation, at ang mas aktibong pakikilahok ng simbahan at mga mamamayan sa mga kilusan para sa mabuting pamamahala at katarungang pang-ekolohiya.
Nanawagan rin si David ng masusing imbestigasyon sa flood-control projects at pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot sa malakihang pagnanakaw.
Giit niya, dapat pangunahan ng mga diyosesis at parokya ang transparency at accountability, at hinimok ang mga lider sa gobyerno, negosyo, at simbahan na mamuhay nang simple at talikuran ang labis na luho.