CEBU – Patay ang isang miyembro ng fraternity at kritikal naman ang isa nitong kasamahan matapos na binaril at sinaksak sa kanilang karibal na grupo, sa Sitio Tabok Lamak, Yati, bayan ng Liloan, Cebu.

Kinilala ang binaril patay na si Raymart Sasida at kritikal naman nang sinaksak si James Once, na kapwa mga miyembro ng Alpha Kappa Rhu o AKRHU.

Habang hindi pa nakilala ang mga suspek na pinaniniwalaang mga miyembro ng Tau Gamma Phi, ang mahigpit na karibal ng AKRHU.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Dan Colipano, hepe ng Liloan Police Station, isinalaysay nito na Linggo ng madaling araw nang mangyari ang insidente kung saan parehong nasa lugar ang dalawang grupo.

Ayon kay Colipano, nag-abot ang grupo sa isang disco sa lugar kung saan posibling nagkainitan at nangyari ang kaguluhan.

Tinamaan ng bala si Sasida sa ulo dahilan ng kanyang agarang kamatayan at nasaksak naman sa kanyang dibdib si Once dahilan na kritikal pa rin ito hanggang ngayon.

Sa ngayon, ipinatawag ni Police Major Colipano ang lider ng dalawang kampo upang pag-usapan ang nangyari sa pag-asang hindi na lumala pa ang away ng dalawang grupo.

Hinikayat rin ng hepe ang limang suspek na sumuko na lang sa pulisya.