Patay ang dalawang drug personalities habang dalawa pang iba ang naaresto na mag-asawa sa magkasunod na buybust operations ng mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan nasabat ang nasa mahigit P1.5 bilyon halaga ng umano’y shabu sa Bacoor at Imus, Cavite kagabi.
Sa ulat ni PNP Drug Enforcement Group (DEG) B/Gen. Remus Medina kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, ang unang buy bust operations ay isinagawa bandang alas-siyete kagabi sa B6 LOT 15, Springville Executive 1, Molino 3, Bacoor, Cavite na nagresulta sa pagkakarekober ng 181 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P1.25 bilyon.
Patay sa nasabing operasyon ang dalawang suspek na nakilalang sina Basher Bangon, 59, tubong Cagayan de Oro, isang top level drug personality na contact ng Chinese syndicates; at si Danilo Untavar, 51, residente ng Dasmariñas, Cavite.
Batay sa ulat ng PNP at PDEA, nanlaban umano ang mga suspek na naging dahilan kaya pinaputukan sila ng mga operatiba.
Sa follow-up operation na isinagawa pasado alas-9:00 kagabi sa B6-L2, Topacio St., Phase 8, Brgy. Magdalo, Bahayang Pag-Asa, Imus, narekober naman ang 48 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P331 milyon.
Naaresto naman ang dalawang suspek na mag-asawa na kinilalang sina: Lani Micoleta at Aldwin Micoleta, na mga tauhan ng unang nasawing drug suspek na si Basher Bangon.
Kinumpirma ni PNP chief na ang dalawang napatay na drug suspeks kagabi habang dalawa rin ang naaresto na may direktang kaugnayan sa international drug syndicate na nag-o-operate sa Visayas at Mindanao.