(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Sinampahan na ng National Bureau of Investigation (NBI-10) kasama ang City Social Welfare Development (CSWD) ang dalawang Chinese national na unang nahuli sa loob ng hotel sa Barangay Cugman sa Cagayan de Oro City.

Sinabi ni NBI regional director Atty. Patricio Bernales na kinilala ang mga suspek na sina Shen Quiang, 26, at Li Qi, 27, na ngayo’y nahaharap sa kasong qualified human trafficking at child abuse sa piskalya.

Inihayag ni Bernales na maliban sa mga kinasuhan na banyaga, katulad na kaso rin ang kinakaharap ng dalawang bading na nagsilbi umanong bugaw ng 10 babae kung saan pito sa mga ito ay menor de edad pa lamang.

Kaugnay nito, hinihintay na lamang ng NBI at CSWD ang resolusyon ng piskalya upang tuluyang ilipat sa regular jail facility ang mga suspek habang nililitis ang mga kaso sa siyudad.

Nabatid na niloko ng mga bading ang mga biktima na umano’y maliligo lamang sa lugar subalit pinasok sila sa kuwarto kung saan pinuntahan din ng mga Chinese national noong madaling araw ng Marso 31, 2019.