-- Advertisements --

Kinumpirma ng federal authorities sa Amerika na inaresto ang dalawang Chinese nationals na naninirahan doon dahil sa mga kasong may kinalaman sa pageespiya sa US military.

Ayon sa US officials, natukoy ang dalawang umano’y espiya na sina Yuance Chen at Liren Lai na umaakto umanong mga ahente ng Chinese government.

Sakaling ma-convict, posibleng mahatulan ang dalawa ng sentensiya na 10 taong pagkakakulong.

Base sa criminal complaint, nagsagawa umano sina Chen at Lai ng ilang serye ng intelligence activities sa Amerika sa ngalan ng Chinese Ministry of State Security.

Kabilang sa kanilang mga aktibidad ang pagbabayad ng cash kapalit ng national security information at pag-recruit sa mga miyembro ng US Navy bilang potensiyal na assets ng Ministry of State Security.

Napag-alaman na si Chen ay isang residente ng Happy Valley sa Oregon habang si Lai naman ay dumating sa Houston, Texas noong Abril gamit ang tourist visa at naaresto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) noon lamang Biyernes.

Nakasaad pa sa reklamo na nirecruit umano ni Lai si Chen para magtrabaho para sa Ministry of State Security ng China.