-- Advertisements --

2 CEBUANO, PASOK SA TOP 10 SA INILABAS NA RESULTA NG 2025 LICENSURE EXAMINATION FOR SOCIAL WORKERS: 26-ANYOS NA BINATA, IBINAHAGI SA STAR FM ANG KANIYANG MAKULAY NA KARANASAN

Abot langit ang tuwa at hindi pa rin makapaniwala ang isang 26-anyos na binata matapos makapasok sa Top 10 sa inilabas na resulta ng 2025 Licensure Examination for Social Workers

Si Ruben Arsolon Macaron Jr. na tubong Carcar City ang siyang nakakuha ng rank 8 na may 89.40% rating na nagtapos sa Saint Theresa’s College of Cebu City.

Habang si Rejane Antonio Sanchez naman sa Rank 9 na may 89.20% na nagtapos sa University of Southern Philippines Foundation.

Sa ekslusibong panayam ng Star FM Cebu kay Macaron, inihayag nito na bagama’t kanya na itong layunin na makapasok sa Top 10, hindi pa rin ito makapaniwala sa tagumpay na nakamit.

Aniya, sa kabila ng mga hamon sa buhay gaya na lamang ng hindi pagkuha nito ng board exam sa panahon ng pandemya, at ang limitadong pagkukuhanan ng pantustos ay hindi umano ang mga ito naging hadlang upang hindi makamtan ang pangarap na nais niyang maging.

Binigyang diin pa nito na maliban sa Poong Maykapal at kaniyang pamilya, isa rin umano ang mga kliyente nito na pinagsilbihan noon nag-aaral pa ito na naging inspirasyon at motibasyon upang magpatuloy.

Ibinahagi pa ng binata, na dapat umanong alamin ang bawat learning style at techniques sa pagrereview dahil aniya, bawat tao ay may kaniya-kaniyang paraan upang matuto kung kaya’t mahalaga rin ang pagbibigay ng oras sa pahinga at pag-aaral.

Mensahe naman ng 26-anyo sa mga gustong tahakin ang ganitong klaseng kurso na bagama’t hindi magiging madali ang daan tungo sa pangarap, isa-puso at isip ang bawat dahilan at layunin sa buhay at gamitin itong inspirasyon sa sarili maging sa nakaabang na magandang kinabukasan.