TACLOBAN CITY – Patay ang dalawang barangay kapitan matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Brgy. Balugo, Tarangnan, Samar.

Kinilala ang mga biktima na sina Bonifacio Babon, 63, kapitan ng Marabut, Tarangnan, Samar; Amelita Helbolario, kapitan ng Barangay Awang, Tarangnan; at Elpidio Babon Jr, habal-habal driver at residente ng Barangay Away Tarangnan.

Ayon kay PLt. Aileen Velarde, tagapagsalita ng Samar Police Provincial Office (SPPO), sakay ang mga biktima ng isang habal-habal at papunta sana sa Tarangnan para dumalo sa pulong ng Liga ng mga Barangay nang biglang harangin ang mga ito ng mga suspek na sakay sa isang motorsiklo.

Pinaulanan ng bala ang mga biktima na nagresulta sa agarang pagkakamatay ng driver at ni Babon, habang naisugod pa sa ospital si Helbolario pero hindi nagtagal ay nalagutan ito ng buhay.

Sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

-- Advertisement --