-- Advertisements --

Isinailalim na sa kontrol ng Commission on Elections ang bayan ng Tubaran at Malabang sa Lanao del Sur.

Ito ang kinumpirma ni Major General Valeriano De Leon, chief ng Directorate for Operations (DO) ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay De Leon, may banta silang na-monitor sa nasabing mga bayan na posibleng pag-atake ng local terrorists group.

Kaugnay nito, sinabi ni De Leon na nakipag pulong na sila kay Comelec chairperson Atty. Saidamen Pangarungan para sa mga gagawing hakbang para mapigilan ang anumang pag-atake.

Sa ngayon, nagpadala na ng tropa ang PNP mula Special Action Force (SAF) sa bayan ng Tubaran at Malabang para magbigay ng seguridad.

Pinaigting na rin ng PNP ang kanilang seguridad maging ang paglatag ng mga checkpoints.

Sinabi ng heneral na nakatakdang magtungo sa lugar si Atty Pangarungan para magsagawa ng security assessment.

Inaasahan na sa darating na mga araw, posibleng madagdagan pa ang mga lugar na isailalim sa Comelec control.

Pinag-aaralan na rin sa ngayon ng komisyon kung isasailalim din sa Comelec control ang Abra.