-- Advertisements --

Sinimulan na ng Department of Health (DOH) at ilang ahensya ang assessment sa ilang malalaking jail facility sa bansa, para matiyak ang kaligtasan ng mga preso laban sa banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kasama ng kagawaran ang World Health Organization at International Committee of the Red Cross officials na nag-inspect sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa, at Correctional Institute for Women sa Mandaluyong.

“Ito’y panimula pa lamang upang magsagawa tayo ng targeted testing, mamigay ng karampatang lunas, tamang pamamahala ng kaso upang masigurong pagkakaroon ng infection and control measures upang maiwasan ang paglobo ng kaso sa mga penal at correctional facilities.”

Mismong si Health Sec. Francisco Duque III na raw ang nangako ng pakikipagtulungan sa ICRC para gumawa ng isolation facilities sa loob ng NBP.

Sa ngayon, may 48 bed capacity na raw ang quarantine facility sa Qeuzon City Jail sa Payatas. May 40 nang naka-admit dito.

“Kasalukuyang inihahanda ang 40-bed quarantine facility sa New San Fernando District Jail, at ang 80-bed quarantine facility sa District Jail ng Pagbilao, Quezon.”

Batay sa datos ng DOH, may 373 persons deprived of liberty na ang sumailalim sa COVID-19 test.

Ang 195 sa kanila ay nag-positibo. May 38 empleyado ng Bureau of Jail Management and Penology din daw ang tinamaan ng sakit.

“Nakikipag-ugnayan ngayon ang DOH sa BJMP pati rin sa Philippine Red Cross, upang masiguro ang maagang ma-test, ma-isolate at magamot ang ating mga PDL, maging ang mga empleyado ng BJMP upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa ating mga kulungan.”