KORONADAL CITY – Hindi makapaniwala ang pamilya ng isang obrero sa sinapit ng kanilang kaanak makaraang masawi ito habang nasa loob ng cement mixer.
Nangyari ang insidente sa Barangay Sandakan, bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao.
Kinilala ang biktima na si Datu Ali Acob, 19-anyos na residente ng Barangay Dalumangcob sa naturang lugar.
Batay sa imbestigasyon ng Sultan Kudarat-Philippine National Police, naglilinis lamang umano sa loob ng cement mixer ang biktima at nang pinaandar ng kaniyang kasama ang sasakyan, umandar din ang mixer.
Posibleng hindi namalayan ng kasama na nasa loob si Acob kaya nagpaikot-ikot ito sa loob hanggang sa tuluyang binawian ng buhay.
Sa ngayon pinaghahanap na ng mga otoridad ang kasama nito matapos tumakas sa insidente.
Inulila ng biktima ang kaniyang asawa at isang buwang sanggol na anak.