-- Advertisements --

Iniulat ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na naaprubahan na ng House of Representatives ang 18 sa 20 panukala na prayoridad na maipasa ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ayon kay Speaker Romualdez mas maaga ng tatlong buwan sa deadline natapos ng Kamara ang mga panukala na tinukoy na bibigyang prayoridad na maisabatas sa pagpupulong ng LEDAC noong Hulyo 5.

Sa Ledac meeting kaninang umaga sa Malacañang, iprinisinta ni Romualdez ang mga naaprubahang panukalang batas.
Ang mga LEDAC priority bills na naipasa na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ay ang mga sumusunod:

  1. Amyenda sa Build-Operate-Transfer (BOT)/Public-Private Partnership (PPP) Act,
  2. National Disease Prevention Management Authority/Center for Disease Control and Prevention,
  3. Internet Transaction Act/ E-Commerce Law,
  4. Health Emergency Auxiliary Reinforcement Team (HEART) Act,
  5. Virology Institute of the Philippines,
  6. National Citizens Service Training (NCST) Program,
  7. Valuation Reform Bill (Package 3),
  8. E-Governance Act/ E-Government Act,
  9. Ease of Paying Taxes,
  10. Waste-to-Energy Bill,
  11. New Philippine Passport Act,
  12. Magna Carta of Seafarers,
  13. Rightsizing the National Government,
  14. Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), at
  15. Amendment to the Bank Secrecy Law.

Ang Trabaho Para sa Bayan (National Employment Recovery Strategy) ay naipadala na sa Malacañang para sa lagda ng Pangulo samantalang ang Automatic Income Classification Act for Local Government Units ay isusumite na rin sa Palasyo.
Ang Philippine Salt Industry Development Act ay nakasalang na sa bicameral conference committee.
Ang dalawang nalalabi na kailangang ipasa ng Kamara—ang HB 8969,o ang Military and Uniformed Personnel Pension System Act, ay naaprubahan na sa ikalawang pagbasa noong Martes at isasalang sa botohan sa susunod na linggo.
Ngayong araw ay inaprubahan na ng Committee on Agriculture and Food ang panukala na mag-aamyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act at isasalang sa plenaryo ng Kamara bago matapos ang linggo.
Sinabi din ni Romualdez na nakasalang na sa plenaryo ng Kamara ang panukalang P5.768 trilyong budget para sa susunod na taon.
Samantala, sinabi ni Romualdez na naaprubahan na ng Kamara ang pito sa 17 panukala na binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).
Ang dalawa ay nakasalang na sa ikalawang pagbasa samantalang ang nalalabing walo ay nakasalang naman sa iba’t ibang komite.
Ipinagmalaki din ni Romualdez na noong nakaraang taon ay naproseso ng Kamara ang 1,150 panukala at resolusyon at naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang 173 panukala.