Umakyat na sa 17 katao ang naitalang namatay matapos na mabaon ng buhay sa gumuhong hotel sa tanyag na tourist destination sa Suzhou city, Jiangsu Province sa China kasunod ng pagtatapos ng isinasagawang search and rescue operation ngayong araw.

Sa 23 katao na na-trap sa loob ng Siji Kaiyuan Hotel, anim ang nailigtas kung saan lima ang naitalang sugatan na nasa stable na kalagayan na habang ang isa naman ay maswerte na walang natamong sugat.
Ayon sa ilang mga state media reports, lumalabas sa preliminary investigation na ang dahilan ng pagguho ng gusali ay dahil sa madalas na renovations sa gusali gaya ng pagdaragdag ng palapag ng hotel.
Bumuo na ang provincial government ng Jiangsu ng investigation team para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa dahilan ng pagguho ng gusali.
Nangyari ang pagguho ng Siji Kaiyuan Hotel sa Suzhou, China hapon ng Lunes.
Iniuugnay ang mga insidente ng pagguho ng mga gusali sa nakalipas na taon sa China dahil sa poor construction ng mga gusali. (with reports from Bombo Everly Rico)
















