Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mayroong listahan ang DOJ ng mga indibidwal na ipinag-utos umano na ipapatay ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod na rin naging pagbubunyag ni Pamplona Mayor Janice Degamo na may-bahay ng pinaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo, na nasa humigit kumulang 30 katao umano ang pinatay ng mambabatas sa kanilang probinsiya.
Ayon kay Justice Secretary Remulla na base sa inisyal na nakalap nila ay nasa 17 katao ang nasa kanilang listahan subalit may mga pangalan pa aniyang madaragdag.
Paliwanag pa ni Remulla na imbestigahan pa ang mga ito para makakuha ng kinakailangang mga data at magkaroon ng case folder sa bawat kaso upang matukoy kung sino ang mga testigo at kung ano ang mga statement na kailangan para suportahan ang mga alegasyon kabilang ang death cerificates at resulta ng autopsy.
Kung magugunita, una ng idinadawit si Teves bilang utak umano ng pagpaslang kay Governor Degamo.
Pagdating naman sa paghahain ng complaints, sinabi ni Remulla na posibleng isampa na ito bago matapos ang kasalukuyang buwan o sa Marso 30 o 31.
Una na ring ibinunyag ni Remulla nitong Biyernes na nasa 7 hanggang 10 katao ang posibleng nasa likod ng mga pagpaslang sa probinsiya noong 2019 at posible ding parehong mga indibidwal na sangkot sa assassination kay Gov. Degamo.
Una na ring itinanggi ni Congressman Teves ang mga paratang laban sa kaniya kauganay sa mga pagpaslang noong 2019 sa kanilang probinsiya at kay Governor Degamo.