Nagsampa ng kasong kriminal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa tatlong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan na umano’y sangkot sa “BGC Boys” o Bulacan Group of Contractors, dahil sa mahigit P1.6 billion na hindi naideklarang kita at kulang na buwis mula noong 2020 hanggang 2024.
Kinilala ang mga akusado bilang sina dating District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, at dating Construction Section Chief Jaypee Mendoza.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., lumabas sa lifestyle check na labis ang yaman at luho ng tatlong dating opisyal kumpara sa kanilang legal na kita.
Natuklasan umano ang bilyong pisong tax deficiencies matapos suriin ang kanilang mga ari-arian, negosyo, at tax returns.
Mahaharap ang tatlo sa mga kasong may kinalaman sa tax evasion, willful failure to file, at willful failure to supply correct and accurate information sa kanilang income tax returns.
















