Muling gumawa ng monster triple-double ang bigman na si Nikola Jokic sa panalo ng Denver Nuggets kontra Miami Heat.
Nagposte si Jokic ng 33-15-16 points-rebounds-assists splits matapos siyang ibabad ng 37 mins. sa hardcourt, ang pinakamahabang playing time sa lahat ng mga Nuggets player.
Pinigilan ng Nuggets ang pagtatangka ng Miami na gumawa ng 4th quarter surge sa tulong ng clutch defense ng 2023 NBA Champion.
Hawak kasi ng Nuggets ang 15-point lead sa pagtatapos ng ikatlong quarter ngunit nagawa ng Miami na ibaba ito sa halos kalahati sa kalagitnaan ng 4th quarter.
Gayunpaman, bumalik ang higpit ng depensa ng Denver sa huling bahagi ng quarter, at napanatili ang double-digit lead sa pagtatapos ng laban.
Nanguna sa Miami ang 1-time NBA champion at dating Golden State Warriors forward na si Andrew Wiggins na nagbulsa ng 22 points, limang assists, at apat na rebounds.
Ito na ang ikalimang panalo ng Nuggets ngayong season habang hawak naman ng Heat ang 4-4 kartada.
















