-- Advertisements --

Inaasahang aabot hanggang sa 16 na bagyo pa ang posibleng pumasok sa bansa mula Agosto hanggang sa Disyembre ng kasalukuyang taon, ayon sa state weather bureau.

Kung saan inaasahan ang peak sa mga susunod na buwan.

Ayon sa bureau, nasa dalawa hanggang tatlong bagyo ang papasok sa Agosto, dalawa hanggang apat mula Setyembre hanggang Nobiyembre at isa hanggang dalawa sa Disyembre.

Base kasi sa historical records, karaniwang binabayo ng mas maraming bagyo ang bansa sa buwan ng Hulyo, Agosto at Setyembre, parehong mga buwan din aniya ngayong taon na posibleng makaranas ng mas maraming bagyo.

Mas mataas naman ang posibilidad na ma-develop ang La Niña sa bansa bagamat sa kasalukuyan ay nananatiling neutral ang kondisyon base sa climate pattern na El Niño–Southern Oscillation (Enso).

Subalit, maaaring sa ilang models posibleng ma-develop ang La Niña sa pagitan ng Agosto at Oktubre, at maaaring ma-extend hanggang sa Disyembre at sa Pebrero 2025.

Sa ngayon, wala pa sa 55% threshold na kailangan para mag-isyu ang state weather bureau ng La Niña Watch.

Hinihimok naman ang publiko at mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto at imonitor ang updates sa lagay ng panahon sa gitna ng pagigting ng typhoon season.