Dumating sa bansa ang ilang storm chasers mula sa Estados Unidos at Europa upang personal na subaybayan ang Bagyong Uwan.
Para sa kanila, bagama’t kahanga-hangang pagmasdan, isa itong napakalaking sistema na nagbabanta sa Northern Luzon.
Ayon kay Josh Morgerman, lumapag siya sa Pilipinas noong Biyernes ng gabi at nakatakdang bumiyahe patungong Aurora Province upang doon tutukan ang galaw ng bagyo.
Inilarawan niya ang Bagyong Uwan bilang isang “malaki at nakakatakot na sistema” na nabuo sa Pacific Ocean at patuloy na kumikilos papalapit sa Luzon.
Si Morgerman, na kilala sa kanyang malawak na karanasan sa pagmomonitor ng malalakas na bagyo sa iba’t ibang panig ng mundo, ay binigyang-diin na bagama’t pagod pa mula sa kanyang huling misyon sa Jamaica, hindi niya palalampasin ang pagkakataong masuri ang isang super typhoon sa Pilipinas.
Kabilang sa mga ito ang team nina James Reynolds na patungong Quirino, team ni Josh Morgerman na patungong Aurora, habang ang iba ay nasa Bicol para subaybayan ang pagtama sa Catanduanes ng “monster typhoon.”
Ang mga storm chasers ay kilala sa kanilang kasanayan sa pagtutok sa mga bagyo, kung saan madalas nilang ginagawa ang pagpasok sa mata ng bagyo upang makakuha ng mas detalyadong datos.
Gayunman, pinaalalahanan ang publiko na huwag subukan ang ganitong gawain dahil nangangailangan ito ng mataas na antas ng karanasan at sapat na kagamitan upang maiwasan ang panganib sa buhay ng mga observers.















