Nakahanda na ang nasa 1,404 na pulis na pumalit sa mga gurong aatras para magsilbing Board of Election Inspectors (BEIs) sa araw ng halalan.
Ayon kay PNP Chief Gen. Oscar Albayalde, ang naturang mga pulis na sumailalim sa pagsasanay sa Commission on Elections (Comelec) ay mula sa iba’t ibang mga Police Regional Offices.
Ide-deploy ang mga ito sa mga lugar kung saan may mataas na banta ng karahasan para humalili sa mga guro kung magiging masyadong peligroso para sa mga ito na tatayong BEIs at hindi makasipot.
Binigyang linaw ng hepe ng pulista na ang maiiwan sa nga istasyon ng pulis bilang reserve force ay ang mga bagong-recruit na pulis at ang mga bagong opisyal na kaka-graduate lang sa PNP Academy.
Ang mga ito naman aniya ang mag-aasikaso ng mga regular na trabaho ng pulis habang ang karamihan sa kanilang mga kasamahan ay nakatutok sa halalan.