Nananawagan ngayon ang Korte Suprema (SC) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng kooperasyon kaugnay ng 13 judges na sinasabing sangkot sa illegal drug trade.

Ayon sa SC, nais kasi nilang imbestigahan mismo ang 13 judges na napasama sa pinakahuling narco list na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte pero ayaw daw makipag-cooperate ng PDEA.

Una rito, hiningi raw ng kataas-taasang hukuman ang pangalan ng 13 huwes sa PDEA pero ayaw nilang magbigay nang ano mang impormasyon.

Una na ring inimbestigahan noon ng Korte Suprema ang apat na huwes na kasama sa unang narco-list ng pangulo noong 2016 kasama rito sina Exequil Dagala ng Dapa-Socorro sa Surigao, Adriano Savillo ng Iloilo City, Domingo Casiple ng Aklan at Antonio Reyes ng Baguio City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay PDEA Director Direk Carreon, maliban sa mga huwes at prosecutors, patuloy din nilang bina-validate ang nasa narcolist na mga artistang sangkot sa iligal na droga.