Nasa maayos nang kalagayan ang nailigtas na 13 tripulante matapos lumubog ang fishing vessel na ANITA DJ II sa layong pitong nautical miles mula sa baybayin ng Bagong Silang, Calatagan, Batangas.
Alas-6:45 ng umaga, nakatanggap ang Coast Guard Station (CGS) Batangas ng mensahe mula sa Agutaya police na nagsasaad ng umano’y lumubog na sasakyang-dagat sa loob ng hurisdiksyon ng Batangas.
Maliban dito, nakatanggap din ang Coast Guard ng impormasyon mula sa ina ng isa sa mga tripulante na ang distressed boat ay lumubog sa nabanggit na lugar.
Ang mga karagdagang ulat ay nagsiwalat na ang distressed boat na may gross tonnage na 448.83 tonelada at net tonnage na 273.59 tonelada ay pag-aari ng IRMA Fishing na umalis ng Navotas Port patungo sa Palawan fishing grounds.
Nakipag-ugnayan ang Coast Guard Station Batangas sa IRMA Fishing Company at inatasan silang magbigay ng tugboat para sa towing operation ng subject vessel.
Gayundin, nakipag-ugnayan sa Harbour Star Towage Company at humiling ng tulong kung saan ang Motor Tug Great Lark ng kumpanya ay tumuloy sa nasabing lokasyon upang magsagawa ng mga posibleng towing operations.
Nakita agad ng search and rescue team ng Coast Guard Sub Station (CGSS) Calatagan ang distressed vessel at agad na nilapitan ang fishing banca Rainbow Warrior upang iligtas ang 13 crew na sakay at dalhin sila sa pinakamalapit na baybayin.
Ligtas na nakarating sa CGSS Calatagan ang search and rescue team kasama ang 13 rescued crew ng nasabing vessel.
Nagbigay din ng medical aid ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office sa mga nasagip na crew.
Ang BRP Bagacay (MRRV-4410), isang 44-meter multi-role response vessel na pinatatakbo ng PCG, ay ipinadala upang tumugon sa distress vessel.
Iniulat ng MRRV 4410 na ang natamaan na sasakyang pandagat ay nasa kalahating lubog bandang 1:35PM at nakumpirma ang paglubog nito dakong 3:17PM sa tubig na 2.16 nautical miles, timog timog-kanluran ng Calatagan Island.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang karagdagang imbestigasyon sa mga tripulante sa tunay na dahilan ng sakuna.
Nakipag-ugnayan din ang PCG sa MDRRMO para ihanda ang available na oil spill response at ang mga lokal na opisyal ng turismo upang ipaalam sa mga may-ari ng resort at mga lokal na barangay na maging mapagbantay sa posibleng oil spill.
Ipinaalam ng CGS Batangas ang insidente sa Marine Environmental Protection Group at Coast Guard Station Mabini Batangas para makipag-ugnayan sa mga kumpanya ng langis para sa tulong sa posibleng pagtugon sa oil spill.