KORONADAL CITY – Nasa state of decomposition na nang matagpuan ang 13-anyos na dalagita sa pineapple plantation sa bayan ng Polomolok, South Cotabato matapos ang apat na araw mula nang maiulat na nawawala ito.
Ito ang kinumpirma ni Major Randy Apostol, deputy chief of police ng Polomolok PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ni Apostol ang biktima na si Althea Arcamo na residente ng Barangay Cannery, Polomolok, South Cotabato.
Ayon kay Apostol, pasado alas-8:00 kagabi nang makuha sa crime scene ang katawan ng biktima kung saan pinaniniwalaang ginahasa ito bago pinatay dahil wala na itong pang-ibabang saplot at namamaga ang kasarian nito nang makita.
Agad naman na isinailalim sa post mortem ang bangkay at aantayin na lamang ang resulta ng kumpirmasyon.
Sa ngayon, may mga suspek na umano ang mga otoridad na isang lalaki na umano’y nagturo rin kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima.
Sumisigaw naman ng hustisya ang pamilya ng biktima.
















