-- Advertisements --

Pormal nang isinampa ng National Police Commission (Napolcom) ang mga kasong administratibo laban sa 12 aktibong pulis na sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.

Ang mga kasong ito ay para sa grave misconduct, irregular performance of duty, at conduct unbecoming of a police officer.

Matatandaang ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan ang nagsampa ng reklamo sa Napolcom, kasama ang mga kaanak ng mga nawawala.

Ayon sa kaniyang salaysay, ang mga pulis ay binayaran upang dukutin at patayin ang mga sabungero, at itapon ang mga bangkay sa Taal Lake.

Kaugnay nito, may mga buto na natagpuan sa ilalim ng lawa, at kasalukuyang isinasailalim sa forensic examination upang matukoy kung ito nga ay mula sa mga nawawalang sabungero.

Ang Napolcom ay nagbigay naman ng limang araw sa mga pulis para sa kanilang counter-affidavit.

Sinasabing may mga alegasyon ng pagtatangkang impluwensyahan ang imbestigasyon, kabilang ang paglapit ng ilang personalidad sa sabong industry sa opisyal ng Napolcom upang makialam sa kaso.

Pero ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, walang “sacred cow” sa imbestigasyon, kahit mayor, gobernador, o senador ay maaaring kasuhan kung may sapat na ebidensya laban sa mga ito.