DAVAO CITY – Sasampahan na ng kaso ang driver ng isang wing van matapos ang kinasangkutan nitong aksidente sa Bago Aplaya nitong lungsod.

Nag-iwan ng 11 kataong sugatan ang insidente kung saan inararo ng van ang isang private multicab na sinasakyan ng mag-anak na kinabibilangan ng tatlong indibidwal at isang bata na pawang nagtamo ng sugat sa kanilang katawan.

Dahil sa lakas ng impact, bumangga rin ang multicab sa tindahan kung saan naman naroon ang isang lalaki na naghihintay lang ng masasakyan.

Nasalpok din ng van ang pampasaherong jeep na lulan ang pitong pasahero na nagtamo rin ng mga sugat sa kanilang katawan.

Kaagad naman isinugod ng medical team mula rescue 911 ang mga biktima.

Ayon sa jeepney driver na nagngangalang Ricky Suarez, malakas ang takbo ng wing van at dahil madulas ang kalsada dulot ng pag-ulan kaya posibleng dahilan na nawalan ito ng kontrol hanggang sa mabangga ang mga sasakyan.

Aminado naman ang van driver na si Allan Pinoy na nag-apply siya ng full brake matapos na hindi na nito makontrol ang truck dahil sa dulas ng kalsada.