CAGAYAN DE ORO CITY – Nakakulong pansamantala sa mini-cell ng pulisya ang driver ng isang cargo truck na mayroong kargang falcata logs na nagresulta sa pagkasugat ng 11 pasahero sa Purok 7, Brgy. Rosario, Tagoloan, Misamis Oriental.
Ito’y makaraang mahulog ang truck sa bangin kaya nagtamo ng mga sugat ang mga nakisakay sa truck na minaneho ni Jessie Metillo na tubong Kapatagan, Lanao del Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Misamis Oriental Provincial Police Office Director PCol. Raniel Valones na papalabas mula sa interior road ang truck papunta sa main highway ng probinsya nang mawalan ng preno sa pakurbang bahagi, dahilan kaya nawalan ito ng kontrol at bumangga sa barrier ng DPWH at nahulog sa bangin.
Inihayag ni Valones na agad isinugod sa Saint Paul Hospital ang mga biktima.
Kabilang sa mga sugatan ang mga biktima na sina Edmar Oman, Julius Balaba, Freddie Boy Picato, Geandy Caga, Jonas Atcueta, Isidro Cagat-Cagat, Jofran Licayan,Emmanuel Jaradal, Roland at Brian Jaudian, at si Isidro Aquiman.
Sinabi ng opisyal na masasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries kapag hindi magkaroon ng amicable settlement sa pagitan ng driver o employer nito at mga biktima.