-- Advertisements --

Nabalot ng abo at masangsang na amoy ng asupre ang 11 lugar sa probinsya ng Negros Occidental.

Ito ay kasunod ng panibagong pagputok ng bulkan kahapon (May 14), na tumagal ng limang minuto, batay sa opisyal na record ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ang naturang pagputok ay nagdulot ng kabuuang 38 volcanic earthquake kung saan ang ilan dito ay naramdaman din ng mga residente.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council – Emergency Operations Center (PDRRMC-EOC) ng Negros Occidental, naapektuhan ang maraming mga barangay mula sa La Carlota, Bago, San Carlos, La Castellana, Murcia, San Enrique, Valladolid, Pontevedra, Hinigaran, at Binalbagan.

Sa Bago City, 23 barangay nito ang nakaranas ng ashfall habang 11 barangay sa La Carlota City at siyam na barangay sa La Castellana ang dumanas din ng volcanic ash at masangsang na amoy ng asupre.

Sa Bacolod City, 18 barangay nito ang nakaranas ng pinaghalong ash particles at ulan.

Nitong madaling araw ng Martes, May 13, ay unang pumutok ang naturang bulkan at nagbuga ng tone-toneladang usok at volcanic materials.

Kinalaunan, maraming lugar ang naapektuhan ng ashfall, na muli ring nasundan sa mga sumunod na araw.