Agad na nag-abiso ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) para sa mga dapat na gawin habang at pagkatapos ng ashfall.
Habang may ashfall, ipinapayo ng ahensiya sa publiko na manatili sa loob ng bahay, takpan ang ilong at bibig gamit ang dusk mask, N95 mask o basang tela at takpan ang mata gamit ang goggles. Kapag lalabas, proteksiyunan ang mata at iwasan ang paggamit ng contact lens.
Gayundin, isara ang mga bintana at pinto ng bahay at itabi nang maayos ang sasakyan.
Inaabisuhan din ang mga residenteng apektado ng ashfall na maglagay ng basang tuwalya o tela sa bukasan ng pinto at bintana.
Ipasok rin ang mga alagang hayop sa kanilang kulungan o sa loob ng bahay. Hugasang mabuti ang mga prutas at gulay bago kainin.
Sakaling makaranas ng matinding ashfall mula sa bulkan, huminto muna sa pagmamaneho at itabi ang sasakyan nang maayos.
Samantala, pagkatapos naman ng ashfall, pinapayuhan ang publiko na tanggalin ang mga naipong abo sa bubong para maiwasan ang pagbagsak nito at sa oras na maalis, linisin ang bubong at alulod ng tubig.
Basain muna ng tubig ang bintana at pinto ng bahay at sasakyan bago ito linisin gamit ang sabon at maligamgam na tubig. Ipunin ang mga abo at ilagay sa isang lugar na malayo sa daanan ng tubig para maiwasan ang pagbara.
Pakuluang maigi ang tubig bago ito inumin, hugasan ang mga damo bago ito ipakain sa mga alagang hayop, gumamit ng sabong panlaba sa paglilinis ng mga damit na nalagyan ng abo at punasan ang mga kasangkapan o gumamit ng vacuum cleaner para matanggal ang abo at takpan ang ilong at bibig at proteksyunan ang mga mata habang naglilinis.
Matatandaan, nitong gabi ng Biyernes, nakapagtala ng moderately explosive eruption sa bulking Kanlaon na nagtagal ng tatlong minuto.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa Alert Level 2 ang bulkan.
















