-- Advertisements --

Pinagana na ng PNP ang kanilang binuong mga teams sa buong bansa na siyang tututok sa mga kaso ng vote buying and vote selling.

Ito ay bilang tugon sa inilabas na kautusan ng Commission on Elections (Comelec) para masawata ang mga mamimili ng boto.

Ayon kay PNP Directorate for Operations, MGen. Mao Aplasca, nasa 105 teams ang kanilang binuo sa buong bansa.

Bawat teams aniya ay binubuo ng walo hanggang 10 pulis mula sa Criminal Investigation and Detection Group, Special Action Force, intelligence group, at sa reserved force ng PNP.

Sa datos ng PNP, nasa 24 na indibidwal na naaresto ng PNP dahil sa vote buying.

Naniniwala naman si Aplasca na posibleng tataas pa ang bilang na kanilang mahuhuli na sangkot sa pamimili ng boto ngayong nalalapit na ang halalan.

Umapela rin si Aplasca sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga otoridad kapag may impormasyon sila kaugnay sa mga mamimili ng boto.